My Blog List

Martes, Setyembre 1, 2015

"Ang Kwento ng Barbero" - Shaira Mikaela P. Aquino

Mga kwento. Iba't ibang uri ng kwento. Sanay akong makarinig ng mga istorya ng mga tao. Kahit mga kakikilala ko pa lang. Dahil ang pagkukwento, naniniwala ako, ang pinakapundasyon ng malalim na pakikipagkilala. Marami na 'kong nakausap. Karamihan, nalimot na ng isip ko kasabay ng paglipas ng panahon. Sumama na sa mga nawalang alaala. Ang ilan, nananatiling kaibigan at kakwentuhan. Sa araw-araw kong karanasan sa pakikipagpalitan ng kwento, kampante na 'ko na kilala ko na silang lahat. May mga nasa malalayong lugar. Mayrong hindi na muli pang nakita, mayrong nakakasalubong sa kalsada. Pero ang hindi ko alam, na sa kabila ng mahabang listahan ng mga taong akala ko, ay lubos ko nang kilala, ay may isa na hindi ko inakalang s'ya pa na magiging estranghero sa akin.
Malapit kami ni papa. Sa katunayan, mas malapit pa kami sa isa't isa kumpara sa relasyon namin ni mama. Natatandaan ko ang mga araw na walang humpay s'yang makikipaglaro sa akin sa mga panahong day-off n'ya sa trabaho. Minsanan lang ang ganong senaryo dahil security guard si papa. Malimit na panggabi ang shift n'ya at uuwi na lang kinabukasan ng umaga para matulog at magpahinga. Gayunpaman, nadadala pa rin s'ya ng makulit n'yang bunso. At ako yon. Ni minsan, sa tanang buhay ko, wala akong matandaan na pinagbuhatan n'ya 'ko ng kamay o sinigawan o minura. Malambing si papa. Bagay na hindi madalas taglayin ng mga ama.
May naging maliit na pagbabagong nangyari habang lumilipas ang panahon. Dahil nagdadalaga, naging maselan ako sa sarili medyo nalayo ang loob ko sa kanya. Mali. Inilalayo ko talaga ang sarili sa kanya. Nahihiya, malamang, naiilang, siguro. Basta ayoko nang lumapit sa kanya at alam kong alam n'ya yon dahil may mga pagkakataong nakikita ko sa mga mata n'ya na gusto n'yang maglambing bilang ama. Gusto n'yang kausapin ako sa mga bagay na sigurado s'yang hindi ko naman ibabahagi sa kanya, kaya sa halip na ipagpatuloy ang paglapit, lumalayo rin s'ya akin. At nasasaktan din ako kahit papa'no.
May dahilan ang lahat. Ang totoo, nagkaroon ng espasyo sa dibdib ko para sa sama ng loob sa kanya. Nagalit ako dahil nakikita ko kung paano n'ya sinasaktan ang mama ko sa tuwing nagtatalo sila. Madalas na pera ang dahilan. Si papa, kapag walang impluwensya ng alak, tahimik na tao. Pero asahan mong pagka-nakainom na, sasabog s'yang parang bombang itinanim sa kung saan. Naiinis ako. Nagagalit. Galit na galit. Lalo na kapag nakikita kong umiiyak ang mama ko sa sulok ng kama. Doon nagsimulang lumayo nang tuluyan ang loob ko kay papa.
Isang gabi, matapos na naman ang maingay na bangayan nila ni mama, tinabihan ko si papa habang nakaupo s'ya sa ibabaw ng terrace at umiinom ng beer. Pula na halos ang mga mata; magkahalong puyat at kalasingan ang dahilan. Hindi ako nagsasalita. Pinanonood ko lang s'ya. Sa pinakaunang beses, nakita kong umiiyak ang pinakamatapang na taong kilala ko. Una, nagtataka ako sa ikinikilos n'ya. Hanggang sa unti-unti na n'yang umpisahan ang kwento.
Nalaman kong galing s'ya sa isang sirang pamilya. Maagang nagsipag-asawa ang mga magulang sa Tondo.

1 komento: