My Blog List

Martes, Setyembre 1, 2015

mga simpleng araw - Maria dolores V cruz

TIPS: kung babiyahe ka, siguraduhing meron ka nito. Hindi pagkain, suklay, panyo, underwear, toothbrush, ponds, toothpick, deodorant, cotton buds, toilet paper, paminta, punit na karton ( pamaypay), charger, rechargeable charger, payong na nagiging transparent pag naaarawan, Acetone, kumot, ballpen, jacket yung water proof at disposable para maitapon kapag nabasa na, Goma ( pambura), hindi rin blah.. blah... blah... Ang pinaka importante sa lahat, magbaon ka ng efficacent oil. Pwede na rin siguro yung baby oil o pao liniment o Omega pain killer, katinko? ahh.. di na masama kung wala na talagang badyet, bumili ka na lang ng mantika yung tig sasampung pisong pamprito ng kamatis para di agad maubos. Bakit? Ito ang kwento sa likod ng rekomendasyong pang engot na iyan. College student ako sa isa sa mga hindi kilalang ekwelahan sa Maynila. Fresh man at kesyo baguhan sa mahabaang biyahe, madalas akong maaga kung umalis. Alas siete ng umaga ang klase, 6:50 lumalabas ng bahay. Ang resulta, Matinding sakit ng katawan dulot ng pakikipagsagupaan sa mga tulad kong pasahero lalo na sa may Divisoria. Malayo layo ang bahay ko. Sa Navotas para eksakto. kaya ang total range of time ng biyahe ay kulang kulang isang oras din, 24 hours pag ginagawang parking lot ng mga trailer truck ang daan mula C3 hanggang Balut. ( Alam yan ng kapitbahay namin pustahan.) Huwag mo nang itanong kung nakakapasok ba ako sa first subject dahil bago pa ang pasukan, in-assure ko na na na-drop ko na yon. Sayang maganda pa naman sana ang lessons dun, kaso di kasundo ng bioligical clock ko. Ewan ko ba, naga alarm naman ako ng alas kwatro, 5:30 pa rin ang gising ko madalang pa nga yan dahil minsan lang ako atakaihin ng insomia. Sa mga ganyang pagkakataon kasi... sige na nga aamin na ko, di naman talaga ko natutulog. Noong Elementary nga ako, syempre, di pa kasama sa obligasyon mo ang pag gising sa sarili, sa nanay pa yan. Nagsasayang ang nanay ko ng dalawang balde ng tubig para ibuhos sa mukha ko pero mas malakas ang paniniwala ko na " Mahirap gisingin ang nagtutulug tulugan" ( lalo na pag nangangarap pa ito na may paniginip siya kahit wala) Talo si nanay. Panalo ako. Walang pasok! pagtungtong ko naman ng High school, ayos ang schedule panghapon ako. Yun nga lang, dahil sa gabi ang oras ng gawaan ng assignments, at iba pang paper works, naging alas dose ng tanghali ang biological clock ko. Ang oras naman ng pasok e ala una. Aba matinde! Hindi naman sa tamad akong mag aral, masipag nga ako dahil pinapagod ko masyado ang sarili sa pag aaral na nagiging rason para ma knock out ako ng antok. Nitong nakaraang tatlong buwan, nagbigay ang filipino professor ko ng isang activity- gawain na hindi ko inakalang medyo magtuturo pala sa'kin ng tamang paggamit ng oras. Isang napakagandang ideya sa kabila ng katamaran, e nilangaw ako bigla ng interes sa bagay na pinaka boring na gawin sa mundo. Ang magsulat. Nung una nga e isa ako sa dalawang kumokontra na huwag gawing midterm examination ang pagsulat ng tungkol sa KAHIT ANO. Ayoko dahil para sa akin e wala 'yong matibay na basehan na makapagpapatunay ng mga natutunan mo. Di ba? (um-oo ka naman para may kakampi 'ko) Literal na tungkol sa KAHIT ANO. Palibhasa biguang manunulat ang professor namin kaya kami ang napgdidiskitahan. Bad Trip! Pinalipad ko ang unang buwan na parang kawawang ibon. Lingid sa kamalayan ko, magkaiba pala ang oras at ibon. (sige nga… ano bang pagkakapareho nila?) Nakaka-sampung page na ng bond paper ang mga classmates ko habang ako, Nakikipagsabayan sa nagpapagawa ng activity. Lagi absent. Pagpatak ng pang apat na araw ng sumunod na buwan, sigurado man o hindi, napag desisyunan kong isulat kung ano man ang nakita ko nang umaga na 'yon kahit na alanganin ang isip. Alam ko naman na maganda ang intensyon ko sa pagsulat ng kwento. Oo. Mabibitay ako ni ser sa paraan ng pagkakasulat pero ang kwento ay tungkol sa kwento. Wala nang iba pa. Ang kwentong binabasa mo, ang Midterm exam na minsan kong isinumpa. October 4. Kung hindi ako nagkakamali, Lunes, at dahil nagkakamali ako, hindi Lunes ang eksaktong araw na 'yon. Nasabi ko dahil siksikan sa pagsakay ng jeep kaya no choice, imbis na Cubao o sta. mesa ang dapat sakyan, napilitan akong sumakay sa kahit ano na dadaan sa Recto at sumampa sa mga jeep na pa-Pasig Quiapo. Nakakainis nga dahil na doble pa ang sieteng pamasahe. Maluwag sa loob. Karaniwang mga estudyante din ang sakay tuloy, nagmukhang school service ang jeep ni manong. Buong pag aakala ko, lilipas lang ang araw tulad kahapon. Normal na araw. Gigising, papasok, uuwi,.matutulog, gigising ulit kinabukasan. Hindi ba nakakabagot ang buhay? kumikilos tayo ayon sa hinihinging requirements ng ginagalawan nating lipunan. Nakakabagot dahil bukod sa pagkakaroon ng trabaho, e wala na tayong iba pang pangarap gaya ng matulog hanggang di na magising. Ako ang tipo ng tao na mas pipiliing umistambay na lang sa bahay at makipagkwentuhan sa mga tao, kesa maging isang estudyante na nag aaral ng mga komplikadong bagay na kung tutuusin e hindi naman talaga nagagamit sa totoong mundo. PERO, hindi ibig sabihin e ayoko nang mag aral. Gagawin ko 'yon, kung madali lang mamili sa daan ng buhay at kung hindi ko alam ang kasiyahang dulot ng pagkakaroon ng sobrang baon. Naiinis ako sa mga estudyante na walang kakuntentuhan sa grade dahil pumapasok ako ng hindi mataas na grade ang hinahabol kundi kaalaman. Kung magiging ganoon ang adhikain ng bawat estudyante, Hindi malabong balang araw e bubuti ang kalagayan ng bansang Pilipinas. ( Iboto sa eleksiyon! Alex V Pluma for senate Janitor!) #segway. Balik tayo sa biyahe ko. Naupo ako sa likod ng drayber katabi ko ang ilang magkakakilalang estudyante; walang kamalay malay kung bakit walang awat ang tawanan at murahan nila habang nagsasakitan. Suntok, tapik, hampas… ( bakit ba ganito ang mga pilipino?) Ayos lang sana kung hindi ako nadamay, ang masaklap, napagkamalan akong kakilala ng katabi ko at binatukan ako sabay sabi, "aay.. hehe" at bumalik muli sa pagtawa wala man lang pasubali sa ginawang kalapastanganan. Tinitigan ko siya ng masama bilang ganti pero masyado siyang manhid para humingi kahit letrang "s" sa salitang sorry. Paglingon ko, isang batang lalaki ang nakaupo sa tapat ko. Kumakanta. ok naman kaso, ganito ang pagkakanta niya… (galing sa ilong) " ain… aa nanang… Ain a nanang… iinanan o am munyu mo… " teka. Anu daw? noon ko lang napansin na maliban sa akin, lahat ng pasahero kasama ang drayber e nagsasalo-salo sa maagang laugh trip na hatid ng bata. High school siya alam ko dahil nakikita ko ang uniporme niya sa katabing eskwelahan sa gilid ng pinapasukan kong Intitution. Sinungaling ako kung itatanggi kong hindi ako tumawa. Hindi naman talaga. Pero napangiti, oo. Natutuwa ako na hindi niya alam na malakas ang pagkanta niya. Sa magkabilang tenga kasi e may nakasalpak na earphones. Hindi niya din alam na mamatay matay na sa katatawa ang mga kasama nya dahil nasa daan naman ang mga mata niya. Kaya siguro hindi ako gaano humalakhak, e dahil mas nangibabaw ang awa sa akin. Madrama na kung madrama, yun ang naramdaman ko. Ang mga mas matatanda pa kasi ang malakas tumawa. Silang dapat na mas malalawak na ang ang isip. Ang isa ngang ale na nakabihis pang opisina, hagalpak na hagalpak sa pagtawa. Naawa ako di ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi maitanggi ng mga mata ko ang panlalait sa likod ng kasiyahan nila. *** Ako si Bong. 13 years old. Lumaki ako na si mama lang ang kasama. Ang Papa ko? teacher siya sa school namin. Magaling! kaso terror. Nakakalungkot man pero may kakaiba sa akin. Meron akong Van der woude Sydrome. Isang genetic disorder yon. Kwento ni mama, pagkapanganak niya daw sa akin, pina opera niya agad iyon. Akala niya kasi, wala ng ibang parte ng katawan ko ang apektado. Ang problema, habang lumalaki ako, saka niya lang napansin ang problema. Ang Van der woude syndrome ay komplikasyon sa respiratory system. Hindi naman siya contagious. Pero ang pagkakaroon ng ganitong kondisiyon e higit pa sa mahirap. Heto ang ilan sa mga epekto: * Pagtatawanan ka hanggang sa pakiramdam mo e ikaw na ang pinaka walang kwentang tao sa mundo. * Mahihiya kang humarap sa mapanghusgang mundo. * laging totoo ang mga biro ng tao sayo. * minsan kahit gusto mo makipag usap e mananahimik ka nalang kahit pa gaano kaimportante ang sasabihin mo. * wala kahit sino ang makakaintindi sayo. * wala ring tatanggap. Ilan lang yan. Napakarami pang iba. Mas masasakit na pinipilit huwag alalahanin kaya hindi na naisulat. Masikip ang daanan ng hangin papunta sa bibig ko dahilan para maging malabo ang bawat salitang lalabas. Kilala din ang kondisyon na ito bilang, oral cleft. ( AUTHOR: in short, ngongo siya.) Kaya nga imbis na Vhong na mismong pangalan ko ang itawag nila sa'kin, mas kilala ako bilang "MONG" dahil sa tuwing tatanungin nila ako kung anong pangalan ko, yun ang nagiging tunog. Ayos lang dahil hindi ko naman naramdaman masyado ang kaibahan ko. Una dahil nandyan lagi si mama. Pangalawa, Mahal ako ng panginoon dahil inilagay niya ako sa lugar kung saan marunong rumespeto ang mga tao. Pero, kahit ano man ang sabihin ko, tao pa din sila. Nagkakamali. Nanghuhusga. ito ang isa sa mga na experience ko: Unang araw iyon ng pasukan nung grade one. Sinunod ko si mama na magpaiwan sandali at bibili lang raw siya kaya hindi ako umiyak. Maya maya, nagsalita ang teacher, " ok children, you will introduce yourself ha. I am Ma'am Anie. ok let us start with you" itinuro nya ako at hindi agad yon napansin dahil busy ako sa pagtanaw kay mama. " anak… dali just tell us your name…" Natuwa ako kay maam. Mabait siya. Tumayo ako at nanginginig sa kaba pero tinapos ko agad ang pagsasalita. Nagtawanan lahat ng sabihin kong, " I am Vhong Anthony S. Santos" at dahil sa kondisiyon, hindi ganyan ng lumabas guni guni ko lang. Ito ang totoo, "Ay am Mong An-no-ni Eny Am-manyo" Halatang nagulantang ang teacher at biglang lumabas ng classroom at tinawag ang teacher sa kabilang kwarto. "ba't di man lang ako in-inform na may disabled pala akong estudyante. Diyos ko naman, bat ako ang pahihirapan nila?" parang pinagsakluban ng langit at lupa ang tono ng boses niya. " ay! sino? baka yan yung anak ni tere. Naku kausapin mo si madam ( principal) tsk… tsk…" pakamot kamot na sabi nito. Hindi naman ako na-kick out. Sa high school lang uso yon. Dahil siguro sa awa kaya hinayaan nila akong ipagpatuloy ang isang taon sa paaralan nila. Isang taon lang. Doon kasi nauwi ang usapan ng Principal at ni mama. Katwiran niya, para daw sa ikabubuti ko kung sa special school ako pag aaralin. Hindi daw sapat ang kakayahan ng mga guro niya para makapag adjust sa katulad ko dahil hindi iyon ang linya nila. Oo dahil mas komportable nga namang turuan ang mga normal na bata. Hindi ako kabilang. Buong pagmamalaki kong isinisigaw. Oo nga't ngongo ako pero may utak akong kayang makipagsabayan sa normal ang pagsasalita. Pagtungtong ko ng labing isa, nagtake ako ng acceleration exam para makatuloy sa high school. Nakapasa ko dahil sa tulong ni papa. Siya ang naging personal teacher ko habang hindi ako tinatanggap ng mga eskwelahan sa elementary. Araw araw akong hinahatid ni mama sa bahay ni papa. Ganon lang. Yan ang katotohanan ng buhay namin. Hindi totoong harap harapan kang kukutyain. Huhusgahan ka ng walang kamalay malay at walang kalaban laban dahil patalikod kang titirahin hindi dahil sa sarili mong kakulangan kundi kakulangan ng pangunawa ng iba. Nabanggit sa akin ni Mong na naisulat niya ang entry na iyan noong bakasyon bago sya pumasok sa magulong mundo ng high school. 16 na siya ngayon. Graduating. Huwag mo nang itanong kung paano ko siya nakausap. Magaling lang talaga kong stalker. Lingid sa kaalaman ko, matagal ko na pala siyang kilala sa pangalan hindi kasi ako nagbibigay ng atensyon sa hindi intersante para sa akin. Mabait si Mong at mararamdaman mo na natural ang paglabas ng matatalinong salita sa kanya. Naisip ko tuloy, ano pa kung hindi siya ngongo. Magkaedad kami mukha lang syang mas bata dahil sa uniform. Disente manamit. Maayos ang itsura. Lumalagapak lang ang impressions kapag nagsasalita na. Sinabi ko ang intensyon na pagsulat ng mga karanasan niya at nakita ko ang saya ng marinig niya yon. Inasar niya pa ko na baka sa sobrang ganda ng istorya ng buhay niya e makakuha ako ng uno sa filipino class ko. Simple lang. Sa maikling panahon na nakilala ko siya, naramdaman ko ang kasiyahang dulot ng kakuntentuhan at pagkakaroon ng malalaking pangarap mula sa maliliit na bagay.

2 komento: