My Blog List

Lunes, Setyembre 7, 2015

Nasaan ang Pluma ni Rizal ni Shaira Aquino

Tanghali nang nagising ang dalagitang si Allen pero hindi agad s'ya bumangon. Sinigurado muna n'ya ang oras. Alas otso na nang umaga, ayon sa alarm clock sa ibabaw ng cabinet sa gilid ng kama. Pasuray-suray s'yang lumakad pababa sa hagdanan. Habang nagkukusot ng mata, tinanong n'ya ang mama n'yang naglilinis sa ibaba, sa sala ng bahay.
"Ma anong oras na po?" namamaos ang boses n'ya. "Oras mo na." pang-aasar ng mama n'ya. Gawa ng maagang pag-aasawa, kulang dalawang dekada lang ang tanda ng mama ni Allen sa kanya, dahilan para maging magaang ang turing nila sa isa't isa. Panay ang punas ng ina sa noo. Tagaktak ang pawis nito sa paglilinis. "Diyos ko. Ang init!" reklamo n'ya. "Naku ma! matakot ka 'pag umulan ng yelo dito." matawa-tawang sabi ni Allen. "Aba! edi maganda!" sagot ng ina. "Maganda?… Ulanin sana kayo ng ice tube!" sabi ni Allen na agad na ikinakunot ng noo ng nanay. Hindi pinansin ni Allen ang uminit na ulo ng mama n'ya. Dumiretso s'ya sa kusina para makapag-almusal na. Maganda ang gising ni Allen. Tama kasi ang lahat ng sagot n'ya sa mga exams nila kahapon at s'ya ang nangunguna sa lahat ng resulta. Natalo n'ya pa ang top one ng klase na matagal na n'yang kinaiinisan dahil sa taglay ng kayabangan nito. Napangiti si Allen. Naalala n'ya ang ballpen na napulot n'ya nung makalawa sa tambakan ng basura ng eskwelahan. Mukha na itong walang tinta. Sandamakmak ang gasgas ng lalagyang humahawak sa mahabang plastik na naglalaman ng tinta nito, kaya ikinagulat n'ya nang ginamit n'ya itong panulat sa notebook dahil nanenok ng kaklase n'ya ang biniling G-tech na nagkakahalaga ng P72.00 sa National Bookstore. Pero hinayaan na n'ya yon dahil bago pa makuha ng kaklase, ibinagsak na n'ya ang nasabing panulat sa sahig para mawalan na ng saysay. Tatlong subjects ang nagbigay ng exam nang nagdaang araw. Sigurado si Allen na hindi s'ya nag-review noon kaya hindi na s'ya umasa na makakakuha pa s'ya ng mataas ng marka. Pero may mga bagay na sadyang ibininigay sa atin kahit hindi natin paghirapan. Sa isang iglap, napagtanto ni Allen na alam n'ya ang sagot sa lahat ng tanong na ibinabato ng mga teacher n'ya. 'Nakiki-ayon sa'kin ang mga tanong!' isip-isip n'ya. Nang oras na ng pagtatama ng mga papel, kampante s'ya sa sarili. At hindi naman s'ya nabigo dahil tama nga ang mga sagot. Taas-noo s'ya habang lumalakad s'ya sa aisle ng silid para kuhain ang papel. Pag-upo, nakita n'ya ang pangit na ballpen na ginamit n'ya sa pagsagot. Mula nung araw na yon, itinatak n'ya sa isip na ang ballpen na yon, ang Lucky-pen n'ya na binansagan n'yang… 'Pluma ni Rizal'. Bumalik sa kasalukuyan ang diwa ni Allen nang nag-ring ang orasan sa sala. Nagmadali s'yang kumilos. Hindi na n'ya nailigpit ang kinainan at tumakbo na para maligo. Pagtapos, ay nagbihis at nag-ayos na ng gamit. Noon, nang inaayos na n'ya ang laman ng malaking bag, bumulusok ang pinakamatinding problemang haharapin n'ya sa maikli n'yang buhay. Wala ang 'Pluma ni Rizal' sa pencil case n'ya. Nataranta si Allen at dali-daling bumaba para tanungin ang nanay na tahimik na nagpapahinga sa sala. "Ma! Ma!" Napabangon ang ina sa pagsigaw ng anak. "Kung makasigaw ka akala mo tambay lang ako ah! Tinawag mo pa 'kong mama… dapat sinitsitan mo nalang ako!" Agad na humingi ng paumanhin si Allen. "Naku ma! Yung-yun po kasing ballpen ko! nawawala!" Pinanlakihan lang s'ya ng mata ng nanay n'ya at saka dumukot ng limang piso sa bulsa. "Oh ayan. Bumili ka ng bago." Napakamot sa ulo si Allen. "Ma, anong mabibili ko dyan sa lima? Takip lang ng ballpen ang kayang bilhin n'yan! at saka, iba yung ballpen na yun! may powers yun! Tumatalino ako dun!" Tinitigan s'ya ng ina na parang gusto nitong mahimatay sa sinabi ng anak. Magkahalong pagtataka at takot sa nasa mata nito. 'Nabubuang ang anak ko! Diyos ko!' Sabi n'ya sa loob-loob. Hindi na hinintay pa ni Allen na tumulong ang mama n'ya sa paghahanap ng 'Pluma ni Rizal'. Sinimulan n'ya itong hanapin sa kwarto n'ya. Papunta sa kwarto ng mga kapatid. Hanggang sa sala, kusina, sa freezer, sa banyo, sa lalagyan ng toothbrush at maging sa toolbox ng papa n'ya. Pero wala s'yang nakitang 'Pluma ni Rizal'. Sa ikalawang pagkakataon, nag-ring uli ang orasan. Alas diyes pasado na at alas diyes ang klase ni Allen dalawang oras ang kabuuang sakop ng biyahe at meron na lang limang minutong natitira. Suko na s'ya. Nagdasal na lang s'ya na sana, sa kanya na mismo sumapi si Rizal. Patakbo s'yang lumabas ng bahay at sa awa ng diyos, e nakasakay kaagad sa tricycle. "Sa sakayan ho jeep manong" sabi n'ya sa drayber. At umandar na ang tricycle. Napasilip si Allen sa kalyeng tinatahak ng sasakyan. Dito n'ya naisip na sana, naglakad nalang s'ya dahil di hamak na mas mabilis pa ang lakad n'ya sa takbo ng naghihingalong motor ng nasakyan. Sa sobrang inis, pumara na s'ya at tumakbo palayo sa tricycle. Nang lingunin n'ya ito, nakita n'yang may kung anong inaayos ang drayber sa gulong ng motorsiklo. Tinanggal nito ang plastik na boteng umipit sa gulong. Pagsakay muli ng drayber, humarurot na ang tricycle na akala mo e kasali sa car racing competition kung tumakbo. Sunod na sinakyan ni Allen ang Jeep papuntang eskwelahan. Bukod sa siksikan ang mga pasahero sa loob ng jeep, masikip din ang daloy ng trapiko sa labas. Mahigit sa tatlumpung minuto ang kinain na oras ng traffic hindi pa kasali ang mismong pag-andar nito na may isang oras din ang itinagal. Pagdating sa eskwela, Mahabang pila sa gate ang tumambad kay Allen. Palibhasa hindi nagpapasok ang mga gwardya ng mga estudyanteng walang ID. Paglampas sa gate, Anim na hagdan pa ang kinailangan n'yang akyatin. Huminto s'ya saglit sa kalagitnaan para magpahinga. Nang marating n'ya ang tapat ng pinto ng klasrum, nang aktong iikutin na n'ya ang doorknob, bumukas ang pinto, kasabay ng pagtunog ng bell. Tapos na ang klase. Sinalubong s'ya ng mga nanlumong mukha ng mga kaklase. "Oh Allen?! Ano ka na? kakatapos lang naming mag-exam. Ang hirap nga e." sabi ng isa n'yang kaibigan. Kumbaga sa drama, parang gustong sumandal ni Allen sa pader at dahan-dahang dumausdos pababa sa sahig. Hindi s'ya nawalan ng loob. Sinundan n'ya kaagad ang teacher n'ya sa faculty room. Ihinanda n'ya ang sarili. Ang mga sasabihin, ang acting-skills at nakakaawang pagmumukha. "Bumawi ka nalang sa finals iha." sabi ng matandang dalagang teacher hindi pa man nakakapagsalita si Allen. "Pero mam… kasi…. kasi po…" "Hindi mo ba naintindihan yung sinabi ko? Wala na. Bumawi ka nalang sa finals." ulit ng teacher. Lumabas na umiiyak si Allen. Pakiramdam n'ya mawawala s'ya sarili. Idagdag pa na nagyayabang ang mga kaklase n'ya na marami silang naisagot. Tumungo s'ya rooftop ng building at doon n'ya inilabas lahat ng hinanakit n'ya. Panay ang pag-agos ng luha kaya kinuha n'ya mula sa bulsa ng palda ang panyo. Pero isang matigas, mahaba, at matalim ang nasalat n'ya mula sa bulsa. Inilabas n'ya yon, at lalo s'yang napaiyak. Ang 'Pluma ni Rizal' ay nasa bulsa lang ng palda n'ya mula pa sa simula. Sa Sobrang galit, ibinato n'ya ang ballpen sa himapapawid na paniguradong babagsak sa talahiban ng eskwelahan kung saan wala nang iba pang makakapulot nito maliban sa isang engot na gaya n'ya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento